Hindi nakalabas? Batang 3-anyos, patay matapos ma-trap sa nasusunog na bahay sa QC



Nasawi ang isang tatlong taong gulang na batang babae matapos hindi makalabas sa nasusunog na bahay sa Everlasting Street sa Barangay Payatas A, Quezon City nitong Linggo.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), tumagal ng halos tatlumpung minuto ang sunog bago ito tuluyang naapula.

Tupok na tupok ang tatlong kwarto sa ikalawang palapag ng bahay.

Sa paghupa ng apoy, doon tumambad ang bangkay ng bata.

Kuwento ng tiyahin, dumalaw ang bata roon para makita ang tatay at iba pang kaanak.

Matagal na raw hiwalay ang mga magulang ng bata at sa nanay siya nakatira.

“May sumigaw na ng 'sunog.' Ito pala pong bata, umakyat po nang hindi namin alam sa itaas. Akala niya siguro may tao roon. Pagkasabi ng 'sunog', nakita ko na lang po taas namin na pula na po 'yung taas namin. Tinulungan naman po sagipin 'yung bata kaso sobrang lakas na rin ng apoy,” sabi ng tiyahin ng bata.

Ayon naman sa lola, inaya pa raw niyang pumunta sa sari-sari store ang apo.

Hindi niya lubos akalain na ‘yon na pala ang huling beses na sila’y magkikita.

“Niloloko ko pa, ‘Halika bili tayo sama ka.’ Ayaw niya kasi nag-aakyat siya sa higaan. Ayaw niya sumama sa akin. Sabi ko nga, kung alam ko lang mangyayari 'yon, pinilit ko na lang kargahin ilabas. Nag-bless pa sa akin 'yon kahapon,” sabi ng lola ng bata.

Bunso sa walong apo ang namatay na bata na, ayon sa kanyang lola. Malambing at mapagmahal daw ito.

“Kanina paggising ko, binuksan ko ang cellphone. 'Yun ang nakita ko kaagad, 'yung profile niya. Kaya naisip ko agad kung ano ginagawa niya kahapon 'yung oras na nasusunog. Gusto niya siguro iligtas sarili niya kaso hindi pa niya alam iano sarili niya,” dagdag ng lola.

Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng apoy at kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian.


No comments:

Powered by Blogger.