Wow na wow! Karl Eldrew Yulo namakyaw ng 8 ginto sa Hong Kong Artistic Gymnastics Championship




Nakuha ni Eldrew ang gintong medalya para sa Individual All-around, Floor Exercise, Vault, Parralel Bars,  Horizontal Bar, Pommel Horse, at Still Rings.
Hindi naman naitago ni Angelica Yulo ang pagiging proud sa kanyang anak.
"Prayers granted. Medal sweep Way to go," wika ni Angelica.
Inaasahan na si Eldrew ang susunod na magdadala ng Olympic gold medal para sa Pilipinas sa 2028

WINALIS ni Karl Eldrew Yulo ang walong nakatayang event sa indibidwal at team upang pamunuan ang pambansang delegasyon ng gymnastics sa matagumpay na pagtatapos sa taong 2024 sa Chiu Wai Chung Cup sa Hong Kong.


Ang 16-anyos na si Yulo ay dinomina ang nakatayang anim na apparatus pati na ang mahirap na individual all-around saka tinulungan ang Philippine junior men’s artistic team sa pagwawagi sa team event tungo sa pagwawalis nito sa lahat ng mga pinaglabanan na kategorya sa torneo.

Unang sinikwat ni Yulo ang ginto sa individual all-around bago paisa-isang isinunod ang lahat ng anim na apparatus na floor exercise, vault, parallel bars, horizontal bar, pommel horse at still rings, na sinandigan ng junior men’s artistic gymnastics team para mamuno sa team event.

Si Yulo ay kasalukuyan namang nagsasanay sa ilalim ng Japanese na si Munehiro Kugemiya na dating coach ng kuya nito na si Carlos Edriel “Caloy” Yulo na nagawang magwagi ng dalawang gintong medalya sa nakalipas na Paris Olympics.

Ang tagumpay ni Yulo ay bahagi ng 14 ginto, anim na pilak at limang tansong medalyang iuuwi ng Pilipinas sa torneo upang tapusin ang isang banner 2024 para sa Gymnastics Association of the Philippines na itinampok ng dalawang gintong medalya ni Carlos Yulo sa Paris Olympics .

Nakamit din ng seniors men’s artistic gymnastics team ang ginto sa team event.

Nakuha ni Miguel Besana ang tatlong gintong medalya sa seniors individual all-around, floor exercise at pommel horse, habang si Justine Ace De Leon ang nanguna sa still rings at parallel bars mints.

Nakamit rin ni Besana ang tatlong pilak sa ring, parallel bar at vault, at isang tanso sa horizontal bar. Umuwi rin si De Leon na may tanso sa vault.

Kabilang sa iba pang medalists sina Hillarion III Palles (pommel horse bronze, parallel bars bronze), John Matthew Vergara (horizontal bar silver, parallel bars bronze), Jhon Romeo Santillan (floor exercise silver) at Jan Gwynn Timbang (pommel horse silver). (Lito Oredo)


No comments:

Powered by Blogger.