Pinalabas na nagbigti! Misis walang awang tinodas sa bugbog ng mister
Todas ang 36-anyos na ginang matapos umanong bugbugin ng kaniyang mister na pinalabas pang nagpakamatay sa loob ng kanilang tirahan sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si alyas Madelaine, 36, housewife, habang arestado naman ang mister na si alyas Eleniel, 41, kapwa taga-Brgy. Commonwealth, QC.
Sa naantalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District bandang alas-4:00 ng hapon noong Linggo (January 5), nang dumating mula sa trabaho ang anak ng biktima na si Luis at nakitang nakahandusay sa sahig ang ina habang nire-revive ng kanyang ama.
Tinanong ni Luis ang ama kung ano ang nangyari at sumagot ang suspek na nagbigti umano ang kaniyang ina.
Isinugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center, ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Sa pagsisiyasat, iginiit naman ng kapatid ng biktima na si alyas Rivera na hindi nagpakamatay ang kaniyang ate kundi napatay umano sa pambubugbog ng asawa.
Base sa pagsusuri ng SOCO team, ang biktima ay nagtamo ng maraming pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ngunit walang markang ligature sa leeg.
Nakapiit na ang suspek habang isinasailalim sa imbestigasyon.
No comments: