Huhulihin Na? Paghihigpit sa Marilaque highway na ginagawang 'racetrack' ng mga rider kasado na



Hiniling sa Senado ng isang advocacy group para sa road safety na higpitan ang pagbabantay sa mga dumadaan sa Marikina-Rizal-Laguna-Quezon (Marilaque) Highway dahil sa dami na umano ng nasasawing motorcycle rider na ginagawang racetrack ang daan, partikular sa bahagi ng Tanay. Ang ilang pribadong sasakyan, nadadamay pa umano.

Inihayag ni National Public Transport Coalition (NPTC) President Ariel Lim ang apela sa pagdinig ng Senate Public Services tungkol sa Magna Carta of Commuters bill at Philippine Transportation Security bill.

"Baka po 'yung Marilaque puwedeng lagyan din [ng police outpost]. Marilaque Highway, ang dami pong patay. Meron na naman kahapon... Ang tagal na po naming nire-request na maglagay sana ng outpost. Ang dami pong patay diyan maski kunin ninyo po ang list," ayon kay Lim.

"Doon po sa Tanay, papuntang Tanay. Ang record po ng patay natin d'yan napakalaki… Ang dami pong namatay, nadamay pati mga private vehicles," dagdag niya.

Si Senador Raffy Tulfo, na namumuno sa pagdinig, hiniling sa Philippine National Police na alamin ang sinasabi ni Lim.

"Ginagawang racetrack 'to every Sunday," saad ni Tulfo kay PNP Police Brigadier General Reynaldo Pawid.

"We'll check on this, sir," sabi naman ni Pawid. "We will direct them (PNP Region IV-A) again to intensify their presence in that area."

Wala namang ibinigay na datos tungkol sa sinasabing nasawi sa naturang highway.

Ayon naman sa Department of Works and Highways, batid nila ang usapin sa Marilaque Highway kaya naglagay na umano silang rumble strips sa mga palikong bahagi ng daan.

Sa kabilang nito, sinabi ni DPWH Internal Affairs Division chief Mihail Tupaz, na nangyayari pa rin ang mga sakuna dahil ginagawang karerahan ng ilang rider ang daan.

Sinabi rin ni Tulfo na dapat sulatan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lokal na pamahalaan sa mga nakakasakop sa highway tungkol sa mga nangyayaring sakuna sa lugar.

"Pakiusapan niyo po 'yung LGU na nakakasakop dito, kung sino ang mga mayors dito. Do something. Magkaroon ng programa kasi constituent din po nila karamihan siguro ang naaksidente dito," anang senador.

Dating nang tinalakay sa programang Brigada ang nangyayaring mga aksidente sa naturang highway na kadalasang mga motorsiklo ang sangkot.

Sa mga social media post, madalas ding makita ang mga video na nagba-"banking" ang mga rider sa pakurbadang bahagi ng highway.


No comments:

Powered by Blogger.