Sapuk! 5 sinagasaan habang naglalakad nang nakatulog na Canadian
Isa ang nasawi habang apat na miyembro ng isang pamilya na naglalakad sa tabing kalsada ang sugatan matapos silang araruhin ng sasakyang minamaneho ng isang dayuhan sa Lapu-Lapu City.
Kinilala ang nakasagasang driver na isang Canadian national.
Sa ulat, batay na rin sa salaysay ng nagdadalamhating mister na si Benjie Gulane, nakatakda sanang bumili ang misis niyang si Emelia ng mga susuutin ng kanilang mga anak para sa dadaluhang Christmas party nang mangyari ang aksidente.
Nasawi ang ginang habang nagtamo ng mga pinsala sa katawan ang kapatid nitong si Melomina Mellanes, 52 taong gulang.
Sinabi ni Melomina na habang naglalakad sila sa tabing kalsada sa kahabaan ng ML Quezon Highway sa Soong, Barangay Mactan pasado alas-4:00 ng hapon noong Disyembre 16, 2024, isang pribadong sasakyan ang bumangga sa kanila.
Agad inasistehan ang mga biktima kung saan nasa ospital pa rin ang 30-anyos na anak na babae ni Melomina na si Mary Jane Mellanes Majaba.
Ayon kay Lt. Col. Christian Torres, tagapagsalita ng Lapu-Lapu City Police, nakatulog ang 35 taong gulang na Canadian national habang nagmamaneho.
Mabilis namang umalis ang Canadian national sa himpilan ng pulisya matapos siyang magpiyansa.
No comments: